Marso, at Mcdo

Marso rin noon, araw ng pagtatapos.

Noong araw na iyon, ang mga bata ay muli na namang lumisan sa paaralang kumupkop sa kanila ng anim na taon. Noong araw na iyon, isinuot na naman nila ang nirentahang toga para sa pagmartsa nila sa kanilang napipintong graduation. Noong araw na iyon, opisyal nang nagtapos ang kanilang pagbubuno sa paaralang elementarya. Hayskul na rin ang aking kapatid.

Dumiretso kami sa Mcdonald’s para sa munting selebrasyon ng pagtatapos na iyon. Natural na napuno ang establisyamento ng pamilya ng iba pang nagtapos, kaya medyo may katagalan ang pagpila namin sa kawnter. Lumingon-lingon ako ng konti, umaasang may makabatiang kaibigan. Lingon sa kaliwa. Lingon sa kanan. Lingon sa may pinto.

At ayun sa may pinto, nakita ko siya.

Napakaganda niya noong araw na iyon. Marahil dahil sa make-up. Kaklase siya ng aking kapatid. Naturalmenteng bagong gradweyt din siya at doon sa Mcdo din nila napiling maghapunan (may pagka-sosyal pa ang turing noon sa Mcdo). Papalapit siya ng papalapit sa aming pila. Hindi marahan ang paglapit, pero naging napakabagal ng yaong dagling sandali. Ngumiti ako habang nakatingin sa kanya, at nakita niya ito. Ngumiti siya pabalik at lumingon sa aking kapatid pagkatapos.

“Uy, congrats ha!” bati niya.

“Sa iyo rin,” sagot ng aking kapatid, “pakabusog!”

“Gusto kita,” sabad kong ako lang ang nakarinig, habang pinapaling ang tingin palayo sa kanya, “gustong-gusto kita.”

9 thoughts on “Marso, at Mcdo

  1. Haha.. Nice.. Nagenjoy ako dito sa isang to, feel ko typical na kuwento pero nailimbag ng maayos.. May kanya kanya kasi tayong kuwento na sadyang di naihahayag ng maayos.. Pero this one, parang natatawa ako at kinikilig, inaabangan ang sunod na mangyayari.. Hahaha.. And good thing is, bitin!! Mas inaabangan ko tuloy yung kadugtong.. <3

Leave a reply to Indio Ramos Cancel reply