Dalawang Piso, Unang Bahagi

“Hoy, dos ko yan!” sigaw ko kay Riza.

“Ano’ng sinasabi mo?” sigaw ding sagot niya sa akin, “pera ka ‘to ah!”

“Hindi, akin yan!” pagpupumilit ko, “gumulong sa ilalim ng desk mo nung nabitawan ko!”

Blah blah blah.

Umabot kay Mrs. Buenaflor, ang aming guro sa Baitang Isa, ang gulo. Kunot ang noo niyang pinagharap kaming dalawa. Dahan-dahan siyang nagtanong kung kanino ba talaga ang malaking dalawang pisong de niyog na iyon na hawak ni Riza. Pinaggiitan kong iyon ay akin. Na may palatandaan akong iyon ay sa akin.

“Merong gasgas na marka yung dos ko sa bandang baba ng ulo ni Bonifacio!”

Hiningi ni Mrs. Buenaflor ang barya at ito’y sinipat sa lente ng kanyang salamin. Inilapit pa niya lalo ang tingin. Pagkalipas ng ilan pang sandali, inabot niya sa akin ang dalawang pisong de Bonifacio.

Meron ngang gasgas na marka. “Magnanakaw!” hirit ko.

Hindi ko na siya tinignan sa mukha dahil ilang saglit na lang ay uwian na rin ng buong klase. Lalong hindi kami nagsabay ng uwi kahit magkapitbahay kami.

Nireregla noon si Nanay. Hindi ko alam kung nireregla rin noon ang nanay ni Riza. Wala nga lang nag-akalang ito ang simula ng isang matinding hidwaan ng noo’y matalik na magkapitbahay.