Pasko, Paksiw

Ilang araw bago sumapit ang Pasko, isang masayang araw na hinihintay ng lahat. Sa mga panahong iyon, sumisipat ang malalaking lupon ng mga tao ng mga maaaring mabiling kung anuman sa mall para ipanregalo sa mga mahal nila sa buhay. Nagsusumiksik sa dami ang mga tao roon habang nagsusumiksik naman sa laman-laman ng lahat ang lamig ng nakawiwiling Amihan.

“Bagay na bagay kayo, ma’am,” sigaw ng Aleng Tindera nang mapadaan kaming dalawa sa kanyang harapan, “angganda ninyo tignan.”

Napatingin kami sa dako ng ale, sabay napangiti sa kanyang sinabi. Sinuklian ito ni Aleng Tindera ng pang-Pasko niyang ngiti.

Hindi siya nag-alok ng anuman sa paninda niyang mga damit. Pero tinungo pa rin ng aking kasama ang kanyang maliit na pwesto. Sa mainit na pagkatrangka ng aming mga kamay, sumunod ako sa kanyang mga hakbang.

Wala akong matandaan sa kanilang pag-uusap. Naaalala ko lang ang sayang dulot ng pagsiping ng aming mga kamay sa kalawakan ng mall na iyon. Naaalala ko pati ang kanyang magagandang ngiti, at ng sa akin. Naaalala ko pati ang mabibilog niyang mga mata. Naaalala ko pati ang kanyang halimuyak. Naaalala ko pati ang lahat-lahat ng sa kanya.

***

“Malapit na tayong umuwi,” sabi niya sa akin pagsakay namin ng dyipni, “baka may makakita sa atin.”

Nagbitiw ang aming mga kamay.

Wala na akong matandaan pa sa aming pag-uusap. Naaalala ko lang ang lungkot ng katotohanan.