Klasmeyt!

Malamig-lamig ang gabing iyon sa unang linggo ng Dos Mil Katorse. Bagama’t tapos na sa pagsisiya ang lahat, ay hindi pa naman natatapos ang mahabang bakasyon ng karamihan, kaya marami pa ring tao ang nagpaparoo’t parito sa kakalsadahan.

Napupuno pa rin ng mga nag-iinom ang mga bar sa tapat ng palengke, ng mga suking parokyano ang mga bahay-aliwan ng Doña Go Yee, ng mga naghahanap ng mapapanood sa SM. Sa hindi kalayuan sa 7-11, habang ako ay nag-aabang ng dyipni, ay may humirit ng:

“Klasmeyt!”

Nalingon ako kahit sa simpleng sitsit lang. Kahit hindi ako ang tinatawag. Pero pag lingon ko sa humirit ay nalaman kong ako nga ang kanyang tinawag.

“Orly?” alangang sagot ko sabay bigay ng konting ngiti.

“Oo, pre,” nakangiti niya ring sagot.

Bukod sa hindi gaanong pagbabago ng kanyang itsurang payat at bunguin, nangibabaw kay Orly ang krus na tatoo sa pagitan ng kanyang mga mata, ang ilan niyang mga blankong espasyo sa ngipin, at mohawk na gupit.

Ako itong may malaking pagkakaiba sa itsura ng pagkabata at pagtanda. Pero hindi pa rin ako makapaniwala kung paano niya akong nakilala, hindi man sa pangalan, pero sa pagmumukha.

Klasmeyt ko siya noon sa elementarya. Bukod sa kanyang pangalan at kaaalamang naging matalik kaming magkaibigan noon, wala na akong maalala pa sa kanya. Awkward. 

Nakaupo siya sa manibela ng traysikel. Nag-aabang malamang ng pasahero sa pwestong iyon. Naiisip kong sa kanya ang pinapasada niyang iyon.

Konting kamustahan. Konting kwentuhan. Para lang may puntahan ang usapan.

“Oh, sige pre,” sabad ko, habang tinumbok ang direksyon papuntang 7-11, “Happy New Year na lang!”

“Sige, Happy New Year din!” Sabay kaming nagpatuloy sa dapat naming gawin.

Sa mga dagling sandali, mararamdaman mong sadyang napakadaling lumipas ng panahon. Iyon na malamang ang huli naming pagkikita.

Y2K

11:45. Tumitipa na ang mga huling minuto ng 1999 – ng Dekada ’90.

11:50. Nanginginig ako sa takot noong mga huling oras na iyon dahil sa mga tinuran sa amin ng aming guro sa Baitang Lima na si Ma’am Belen. Tumatak sa isip ko ang kanyang mga pinagsasabi patungkol sa pagkagunaw ng mundo pagpatak ng mga unang sandali ng taong Dalawanlibo. Na kesyo bigla na lang bubuka ang lupa at kakainin nito ang sangkatauhan, na biglang uulan ng apoy sa kalangitan at aabuhin lahat ng madampian nito. Nakakagimbal. Naka… nakakarimarim.

11:55. Nagsisipagsindihan na ang iba ng kanilang mga lusis at plapla. Nagsisipaghipanan na ang mga bata ng kanilang iba’t ibang uri ng torotot. Nagsisipagsayawan sa awit ng pagsalubong sa Bagong Taon ang lahat. Pero ako, ayun at nakalugmok sa sulok ng aking kwarto’t nagpapawis ng malamig. Hindi mapakali ang aking mga kamay, at hindi malaman ng aking mga mata saan lilingon sa kadilimang aking pinaglalagakan.

11:58. Nagsisimula nang mamuo ang mga usok na dulot ng mga paputok. Sa ‘di kalayuan ay maririnig ang mga artista sa telebisyon na naghahanda na para sa pagbilang ng huling mga segundo ng ’90s. Naririnig din na nakaere ang selebrasyon ng mga ibang bansang nauunang magdaos ng Bagong Taon kesa sa Pilipinas. Naririnig ko rin ang bilis ng tibok ng aking puso sa matinding takot at kaba.

11:59. Ito na! Sampu. Siyam. Napapikit na lang ako at nagdasal sa kinikilala ko noong diyos. Walo. Pito. Naaamoy ko na rin ang masasarap na putaheng pang-Media Noche ng aming pamilya. Anim. Lima. Sa kung saan ko napulot sa kwarto, ay nagtalukbong ako ng kumot. Apat. Tatlo. Ito na! Dalawa. Isa.

12:01. Pagkatapos ng matinding pag-iingay at pagsasaya ng lahat, dumiretso na ang pamilya namin sa hapag para kumain. Konting dasal. Konting luwag ng paghinga. Konting aral na hindi ka dapat maniniwala sa mga sabi-sabi ng iba. Simula na ng bagong dekada.