Mayo, o Ang Aking Unang Ulan

Patuloy ang paghawi namin ng polusyong ibinubuga ng mga traysikel patungo sa amin. Ipinaypay ang nagpapawis pa naming mga kamay para mataboy ng kakaunting hangin palayo ang dumi at init na tumambad sa akin at sa aking kaibigan. Konting ubo sa pagitan ng mga pagpipigil-hininga at pagpipigil-amoy. Pagkatapos ay konting iling sa pagitan ng aming mga pagsisingasing. Pagkatapos pa ay konting paypay sa sarili sa pagitan ng pagpupunas namin ng scarf sa aming mga inaalinsangang mukha.

Hindi namin mawari kung magmamadali o magdadahan-dahan kami sa aming paglakad. Kung magmadali, mas mabilis ang magiging paghagad ng pawis sa aming buong katawan. Kung magdadahan-dahan nama’y mas matagal kaming mabababad sa kawalang-lilim ng tanghali. Patuloy ang aming paglakad sa gitna ng pagtatalo ng aming mga paa. Lakad. Lakad pa. At sa ilang minuto pa ng nag-aalinlangang paglalakad ay natumbok na rin namin ang kanto papunta sa terminal ng dyip pa-General Trias.

Doon sa kantong iyo’y tumigil kami para mag-abang nga ng sasakyan naming dyip. At doon sa kantong iyo’y nakasalubong namin ang isang kaibigang lumipat ng paaralan. Nagkalingunan. Nagkangitian. Nagkabatian.

“Mga ‘tol!” pasigaw niyang pagbungad sa amin.

“‘Tol!” sigaw namin pabalik habang kami’y umaambang makipag-apir sa kanya.

“Kamusta kayo sa iskul, mga p’re?” kanyang tanong na pasigaw pa rin habang nakikipag-apir sa amin. Pagkatapos ay lumingon siya sa akin at nagtanong, “teka ‘tol, ‘diba ‘ex’ mo si…”

Natabunan ng mahaba at matining na harurot ng nagmamadaling traysikel ang pangalang kanyang nasambit. Pero naintindihan ko kung sino ang kanyang tinutukoy. Basang-basa sa buka ng kanyang bibig. Hindi nagdalawang-isip ang puso kong makipag-habulan sa pitik ng oras nang masambit sa sarili ang kanyang pangalan.

“Hindi naman naging kami,” pagkukunwaring kalmado kong pagtanggi, “bakit?”

“Ansarap niya p’re. Nalasing namin siya nu’ng isang gabi at pinilahan namin siya pagkatapos,” putang-ina niyang sagot habang tumatawa, “ilang putok din yun!”

“H-ha?” putang-inang tanong ko sa sarili habang nakatulala sa kanya, “A-ano?”

“Ay, sige mga ‘dre,” putang-inang pagputol niya sa aming usapan habang muli siyang nagpatuloy sa putang-inang paglakad, “ayun na yung tropa ko, e.”

Isang malalim na tingin sa kawalan. Isang malalim na buntong-hininga. Isang malalim na tanong ko sa kaibigan: “totoo kaya yung sinabi niya, ‘dre?”

“Hindi ko alam,” mahina niyang sagot, “wala tayo roon.”

Tahimik ko siyang sinang-ayunan. Nguni’t sa gitna ng alinsangan ng lahat, at bago ang unang ulan ng Mayo, ay ang unang ulan ng aking pangingibig.

Advertisements

Marso, at Mcdo

Marso rin noon, araw ng pagtatapos.

Noong araw na iyon, ang mga bata ay muli na namang lumisan sa paaralang kumupkop sa kanila ng anim na taon. Noong araw na iyon, isinuot na naman nila ang nirentahang toga para sa pagmartsa nila sa kanilang napipintong graduation. Noong araw na iyon, opisyal nang nagtapos ang kanilang pagbubuno sa paaralang elementarya. Hayskul na rin ang aking kapatid.

Dumiretso kami sa Mcdonald’s para sa munting selebrasyon ng pagtatapos na iyon. Natural na napuno ang establisyamento ng pamilya ng iba pang nagtapos, kaya medyo may katagalan ang pagpila namin sa kawnter. Lumingon-lingon ako ng konti, umaasang may makabatiang kaibigan. Lingon sa kaliwa. Lingon sa kanan. Lingon sa may pinto.

At ayun sa may pinto, nakita ko siya.

Napakaganda niya noong araw na iyon. Marahil dahil sa make-up. Kaklase siya ng aking kapatid. Naturalmenteng bagong gradweyt din siya at doon sa Mcdo din nila napiling maghapunan (may pagka-sosyal pa ang turing noon sa Mcdo). Papalapit siya ng papalapit sa aming pila. Hindi marahan ang paglapit, pero naging napakabagal ng yaong dagling sandali. Ngumiti ako habang nakatingin sa kanya, at nakita niya ito. Ngumiti siya pabalik at lumingon sa aking kapatid pagkatapos.

“Uy, congrats ha!” bati niya.

“Sa iyo rin,” sagot ng aking kapatid, “pakabusog!”

“Gusto kita,” sabad kong ako lang ang nakarinig, habang pinapaling ang tingin palayo sa kanya, “gustong-gusto kita.”

Counter Strike!

Nanlalagkit na sa singaw ng pawis ang mga bata sa shop. Buti na lang at may kalamigan ang aircon ni kuya. Nagsisigawan at nagmumurahan na naman ang mga bata sa shop. Buti na lang at may kalamigan ang aircon ni kuya.Naglalabasan na naman ng perang pamusta ang mga bata sa shop. Buti na lang at may kalamigan ang aircon ni kuya. Oras pa ng klase ng mga bata pero sila ay nasa shop. Buti na lang at may kalamigan ang aircon ni kuya.

De_dust ha,” umpisa ng isa, “Counter kami.”
“Ano pa nga ba?” sagot naman ng isa pa, “kasi na yung pusta, tsaka bayad-PC pag talo.”

Nagkakaisang tango ang tahimik na sagot ng iba pang kasali. Pagkatapos nito ay nagkanya-kanya nang upo ang dalawang magkalabang grupo na may tig-aapat na miyembro. Magkakatabi ang mga magkakakampi. Isinandal na ang kanya-kanyang harang para hindi magkakitaan ng diskarte ang mga magkalaban. Nakapasok na si Totoy sa laro, pero tumipa pa siya saglit sa console screen.

<~>
cl_sidespeed 23767
cl_backspeed 23767
cl_forwardspeed 23767
sensitivity 3
hud_fastswitch 1
cl_bobcycle 3
alias q “+jump;wait;-jump;wait;buyammo1;buyammo2”
alias qq “q;q;q;q”
bind space “qq”
name K!ll3R++:::::()====>

</~>

L337 Krew, isa sa mga Terrorist na karakter, ang pinili ni Totoy. Isang Desert Eagle na pistola naman para sa kanyang unang sandata. Dahan-dahan niyang ipinaling ang mouse pakaliwa at pakanan. Napailing nang konti si Totoy. Hindi siya nasiyahan sa bilis ng pagpaling ng kanyang mouse, kaya tinipa niya ang “~” para bumalik sa console screen at tinype ang:

sensitivity 1.5.

Pinindot muli ang “~” para makabalik sa mismong laro, at muling ipinaling ang mouse. Napangiti na siya. Marahan siyang tumango sa kakamping katabi niya sa kanan, at bumulong ng, “OK na.”

Lumingon ang kanyang katabi sa dalawa pa nilang katabi at nagsitanguhan. “GAME!” sigaw ni Totoy.

*Game will restart in 3 seconds…*

“TOTOOOOOOOOY!” biglang yanig na sigaw mula sa labas ng shop, “TOTOOOOOOOY!”

Napatingin ang mga nasa loob sa dako ng pinto. “DEMONYO KANG BATA KA!” pagpapatuloy ng matining na dagundong ng isang ale, “LUMABAS KA RIYAN!”

Kasabay ng ripleng pagbubunganga ng ale ay ang pagbukas ng sliding door ng shop. Patuloy lang na nakatitig ang lahat sa naghuhurumentadong babae. Ilang saglit pa’y ibinaling na nila, kasama ng ale, ang kanilang mga mata sa noo’y namumuti na sa kaputlaang si Totoy.

*Counter-Terrorists win!*