Ang Lumilipad Ay Lumalapag Din

Hindi maipagpapalit sa anuman ang dantay ng nakikipag-unahang ihip ng hangin sa kanyang mukha. Hindi maipagpapalit sa anuman ang daluyong ng nag-aapurang dugo sa kanyang mga ugat. Lalong hindi maipagpapalit sa anuman ang ligayang hatid ng mga una niyang pakikipaglaro kay kamatayan – sa makitid at abalang kakalsadahang malapit sa kanilang tinitirhan.

“Piiiiit piiiit!” busina ng sidecar na kanyang mabilis na nilagpasan.

“Hoy gago!” gulat na bulalas naman ng drayber ng owner-type dyipni nang kamuntik masundot ang side mirror nito ng ipo-ipo niyang pagtadyak.

“Brooooooooooooooooooooom!” arangkada ng bisikleta sa kanyang ootsohing mga pandinig, “broooooooooom!”

Wasiwas dito. Wasiwas doon ng manibela. Mabilis. Papabilis pa lalo dahil sa palubog na parte ng kalsadang kanyang tinatahak.

Kasabay ng mabilis at masayang pakikipaglaro sa kanyang kabuuan ng malamig na hangin ay ang mabilis din niyang paglipad, buong katawan at bisikleta, mula sa lupa.

Lumipad ng may kataasan. Lumipad ng pasumandali. At lumapag. Sa estero.

***

“Hahahahaha! Yung baboy, nahulog sa kanal!” humahagalpak sa tawang pambubuyo pa ng kanyang ama nang siya’y makauwi at makuwento rito ang nangyari, “may burak pa sa leeg!”

Si Lolo

“Nasa ilog kami noon,” sagot niya, “naghahanap ng mahuhuling isda.”

“At pagkatapos, habang nalangoy kami, bigla na lang may lumitaw na buwaya.”

“Nagulat kaming lahat. Sumigaw siya. “Bumalik kayo sa pampang!””

“Dali-dali kaming lumangoy sa pampang.”

“Nung nasa pampang na kami, nakita namin siya at yung buwaya.”

“Nagbuno sila.”

“Nag-wrestling sila habang nasa ilog.”

“Nagsusumigaw siya habang nagpupumiglas.”

“Kaya ayun, nakagat ang kanyang dila.”

— Mapaglarong sagot ni Papa sa namamangha kong tanong kung bakit pipi si Lolo.