Mayo, o Ang Aking Unang Ulan

Patuloy ang paghawi namin ng polusyong ibinubuga ng mga traysikel patungo sa amin. Ipinaypay ang nagpapawis pa naming mga kamay para mataboy ng kakaunting hangin palayo ang dumi at init na tumambad sa akin at sa aking kaibigan. Konting ubo sa pagitan ng mga pagpipigil-hininga at pagpipigil-amoy. Pagkatapos ay konting iling sa pagitan ng aming mga pagsisingasing. Pagkatapos pa ay konting paypay sa sarili sa pagitan ng pagpupunas namin ng scarf sa aming mga inaalinsangang mukha.

Hindi namin mawari kung magmamadali o magdadahan-dahan kami sa aming paglakad. Kung magmadali, mas mabilis ang magiging paghagad ng pawis sa aming buong katawan. Kung magdadahan-dahan nama’y mas matagal kaming mabababad sa kawalang-lilim ng tanghali. Patuloy ang aming paglakad sa gitna ng pagtatalo ng aming mga paa. Lakad. Lakad pa. At sa ilang minuto pa ng nag-aalinlangang paglalakad ay natumbok na rin namin ang kanto papunta sa terminal ng dyip pa-General Trias.

Doon sa kantong iyo’y tumigil kami para mag-abang nga ng sasakyan naming dyip. At doon sa kantong iyo’y nakasalubong namin ang isang kaibigang lumipat ng paaralan. Nagkalingunan. Nagkangitian. Nagkabatian.

“Mga ‘tol!” pasigaw niyang pagbungad sa amin.

“‘Tol!” sigaw namin pabalik habang kami’y umaambang makipag-apir sa kanya.

“Kamusta kayo sa iskul, mga p’re?” kanyang tanong na pasigaw pa rin habang nakikipag-apir sa amin. Pagkatapos ay lumingon siya sa akin at nagtanong, “teka ‘tol, ‘diba ‘ex’ mo si…”

Natabunan ng mahaba at matining na harurot ng nagmamadaling traysikel ang pangalang kanyang nasambit. Pero naintindihan ko kung sino ang kanyang tinutukoy. Basang-basa sa buka ng kanyang bibig. Hindi nagdalawang-isip ang puso kong makipag-habulan sa pitik ng oras nang masambit sa sarili ang kanyang pangalan.

“Hindi naman naging kami,” pagkukunwaring kalmado kong pagtanggi, “bakit?”

“Ansarap niya p’re. Nalasing namin siya nu’ng isang gabi at pinilahan namin siya pagkatapos,” putang-ina niyang sagot habang tumatawa, “ilang putok din yun!”

“H-ha?” putang-inang tanong ko sa sarili habang nakatulala sa kanya, “A-ano?”

“Ay, sige mga ‘dre,” putang-inang pagputol niya sa aming usapan habang muli siyang nagpatuloy sa putang-inang paglakad, “ayun na yung tropa ko, e.”

Isang malalim na tingin sa kawalan. Isang malalim na buntong-hininga. Isang malalim na tanong ko sa kaibigan: “totoo kaya yung sinabi niya, ‘dre?”

“Hindi ko alam,” mahina niyang sagot, “wala tayo roon.”

Tahimik ko siyang sinang-ayunan. Nguni’t sa gitna ng alinsangan ng lahat, at bago ang unang ulan ng Mayo, ay ang unang ulan ng aking pangingibig.

Marso, at Mcdo

Marso rin noon, araw ng pagtatapos.

Noong araw na iyon, ang mga bata ay muli na namang lumisan sa paaralang kumupkop sa kanila ng anim na taon. Noong araw na iyon, isinuot na naman nila ang nirentahang toga para sa pagmartsa nila sa kanilang napipintong graduation. Noong araw na iyon, opisyal nang nagtapos ang kanilang pagbubuno sa paaralang elementarya. Hayskul na rin ang aking kapatid.

Dumiretso kami sa Mcdonald’s para sa munting selebrasyon ng pagtatapos na iyon. Natural na napuno ang establisyamento ng pamilya ng iba pang nagtapos, kaya medyo may katagalan ang pagpila namin sa kawnter. Lumingon-lingon ako ng konti, umaasang may makabatiang kaibigan. Lingon sa kaliwa. Lingon sa kanan. Lingon sa may pinto.

At ayun sa may pinto, nakita ko siya.

Napakaganda niya noong araw na iyon. Marahil dahil sa make-up. Kaklase siya ng aking kapatid. Naturalmenteng bagong gradweyt din siya at doon sa Mcdo din nila napiling maghapunan (may pagka-sosyal pa ang turing noon sa Mcdo). Papalapit siya ng papalapit sa aming pila. Hindi marahan ang paglapit, pero naging napakabagal ng yaong dagling sandali. Ngumiti ako habang nakatingin sa kanya, at nakita niya ito. Ngumiti siya pabalik at lumingon sa aking kapatid pagkatapos.

“Uy, congrats ha!” bati niya.

“Sa iyo rin,” sagot ng aking kapatid, “pakabusog!”

“Gusto kita,” sabad kong ako lang ang nakarinig, habang pinapaling ang tingin palayo sa kanya, “gustong-gusto kita.”

Pasko, Paksiw

Ilang araw bago sumapit ang Pasko, isang masayang araw na hinihintay ng lahat. Sa mga panahong iyon, sumisipat ang malalaking lupon ng mga tao ng mga maaaring mabiling kung anuman sa mall para ipanregalo sa mga mahal nila sa buhay. Nagsusumiksik sa dami ang mga tao roon habang nagsusumiksik naman sa laman-laman ng lahat ang lamig ng nakawiwiling Amihan.

“Bagay na bagay kayo, ma’am,” sigaw ng Aleng Tindera nang mapadaan kaming dalawa sa kanyang harapan, “angganda ninyo tignan.”

Napatingin kami sa dako ng ale, sabay napangiti sa kanyang sinabi. Sinuklian ito ni Aleng Tindera ng pang-Pasko niyang ngiti.

Hindi siya nag-alok ng anuman sa paninda niyang mga damit. Pero tinungo pa rin ng aking kasama ang kanyang maliit na pwesto. Sa mainit na pagkatrangka ng aming mga kamay, sumunod ako sa kanyang mga hakbang.

Wala akong matandaan sa kanilang pag-uusap. Naaalala ko lang ang sayang dulot ng pagsiping ng aming mga kamay sa kalawakan ng mall na iyon. Naaalala ko pati ang kanyang magagandang ngiti, at ng sa akin. Naaalala ko pati ang mabibilog niyang mga mata. Naaalala ko pati ang kanyang halimuyak. Naaalala ko pati ang lahat-lahat ng sa kanya.

***

“Malapit na tayong umuwi,” sabi niya sa akin pagsakay namin ng dyipni, “baka may makakita sa atin.”

Nagbitiw ang aming mga kamay.

Wala na akong matandaan pa sa aming pag-uusap. Naaalala ko lang ang lungkot ng katotohanan.