Pasko, Paksiw

Ilang araw bago sumapit ang Pasko, isang masayang araw na hinihintay ng lahat. Sa mga panahong iyon, sumisipat ang malalaking lupon ng mga tao ng mga maaaring mabiling kung anuman sa mall para ipanregalo sa mga mahal nila sa buhay. Nagsusumiksik sa dami ang mga tao roon habang nagsusumiksik naman sa laman-laman ng lahat ang lamig ng nakawiwiling Amihan.

“Bagay na bagay kayo, ma’am,” sigaw ng Aleng Tindera nang mapadaan kaming dalawa sa kanyang harapan, “angganda ninyo tignan.”

Napatingin kami sa dako ng ale, sabay napangiti sa kanyang sinabi. Sinuklian ito ni Aleng Tindera ng pang-Pasko niyang ngiti.

Hindi siya nag-alok ng anuman sa paninda niyang mga damit. Pero tinungo pa rin ng aking kasama ang kanyang maliit na pwesto. Sa mainit na pagkatrangka ng aming mga kamay, sumunod ako sa kanyang mga hakbang.

Wala akong matandaan sa kanilang pag-uusap. Naaalala ko lang ang sayang dulot ng pagsiping ng aming mga kamay sa kalawakan ng mall na iyon. Naaalala ko pati ang kanyang magagandang ngiti, at ng sa akin. Naaalala ko pati ang mabibilog niyang mga mata. Naaalala ko pati ang kanyang halimuyak. Naaalala ko pati ang lahat-lahat ng sa kanya.

***

“Malapit na tayong umuwi,” sabi niya sa akin pagsakay namin ng dyipni, “baka may makakita sa atin.”

Nagbitiw ang aming mga kamay.

Wala na akong matandaan pa sa aming pag-uusap. Naaalala ko lang ang lungkot ng katotohanan.

Advertisements

Doble-Taya

Breaktime.

Pagkatapos, hindi na papasukan ng uhuging si Totoy, isang mag-aaral sa Grado 3, ang susunod na klase dahil isang mabait at matandang guro lang naman ang magututuro noon. Hindi ito mahilig magtsek ng attendance ng mga mag-aaral sa kanyang klase. Maaliwalas din kasi ang panahon, kaya maraming mga estudyante ang mas ginustong magpulong-pulong sa labas ng Main Gate ng paaralan, malapit sa bukana ng simbahang pinapatron si Señora Immaculada.

“Sado!” pagmamakaawa ni Totoy, sabay pahid ng tumutulong uhog sa kwelyo ng kanyang uniporme.

“Ikasi mo muna kasi,” tugon ko, isa namang Grade 5 student.

“Mamaya na,” patuloy na pagmamakaawa ng kalaban, “isasama ko na rin itong pamato ko. Panalo ‘to, sigurado.”

“Bahala ka. Game.”

Mabilis ang aking mga pitik. Mabilis din ang aking mga ngiti pagkalapag sa sahig ng aming mga pato. Mabagal naman ang patak ng mga luha ng talunang si Totoy. Tama lang ang ilang luha kasunod ng pagkatalo ng dalawang dangkal niyang teks ng Yuyu Hakusho.

Iba na talaga ang may doble-tayang pandayang pamato.

Suntukan

“Ano, gago ka pala, e.” sigaw ko, isang Grade 3 student.

“Tangnang ‘to,” sagot ng kaklase kong si Aizar, “‘dun tayo sa likod ng HE (Home Economics, building ‘yan) mamaya.”

“Magsama ka pa ng tropa mong hayop ka,” sabay kong patalikod.

***

Nag-uwian na ang karamihan sa mga estudyante. Nagpupulong naman ang mga guro para sa isang pagtitipong gaganapin sa paaralan. Isa lang ibig sabihin nito: walang aawat sa aming suntukan.

“Hindi ka uubra sa akin,” panimula ko ng natanaw na siya at ang grupo niyang paparating, “alam mo ‘yan.”

“O, nasan ang mga kasama mong bakla ka?” patawang tanong ni Aizar. Nakitawa naman ang dalawa niyang sinamang bataan.

“Wala.”

Tawanan muli. Nasa harapan ko na ang aking kaaway.

“Wala nga, e.” Naaalala kong inindyan ako ng kaibigan kong pumayag namang makipagsuntukan kela Aizar.

“Gago ka rin pala, no?” sagot ng kalaban, habang pinalalagutok ang mga kamao nito, “Sige, one-on-one.”

Sumenyas si Aizar sa mga kasama niya. Isang simpleng tango. Nakitango naman ang dalawang gago, hudyat na naiintindihan nilang one-one-one ang labang ito.

Pagkakita ng senyasang ito, sabay na lumipad ang kaliwa kong kamao diretso sa kanyang mukha. At ang kanyang kaliwa naman sa akin. Suntok-bata, lahat tayo alam kung ano ang itsura niyan. At gaan. Umisa pa ako ng kaliwa malapit sa kanyang batok, habang pumwersa siya ng isang Spear (isang uri ng opensibang popular sa WWE (World Wrestling Entertainment) kung saan ihahagis mo ang iyong sarili ng una-ulo at nakapormang sibat) diretso sa aking mga pinagkaka-kalamnan.

Pagkalagpak namin sa damuhan ay nagbuno kami mula sa Side Mount position (ngayong pagtanda ko lang nalaman kung ano iyang terminong iyan). Si Aizar, habang nakapatong sa akin, ay nagpapaulan ng mga karagdagang suntok-bata. Habang nakapailalim sa kaaway, hindi ako nagpatalo at nakibato rin ng mga sarili kong suntok-bata.

Noong nagkaroon ng pagkakataon, nakontra ko ang pwesto namin at ako naman ang pumaibabaw. Isang mabigat na siko ang idinagan ko sa kanyang lalamunan. Hindi ko na matandaan kung nag-ilang paikot pa kami sa damuhang iyon.

“Piririiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiit!” pito ng guwardiyang nakatokang rumonda sa parteng iyon ng paaralan.

Pagkadinig dito, nagkanya-kanya kaming karipas sa kung saan.

Saya at sakit at suntok-bata lang ang naiisip ko habang nakikipambuno sa taong iyon. Masarap sa pakiramdam, pero masakit sa katawan kinalaunan. Adrenaline, kumbaga. Exciting!

***

“Anak, bakit marumi itong mga pinaghubaran mo?” Maamong tanong ni Inay kinagabihan.

“Nagtanim kami ng gulay kanina,” sagot kong nakangiti kay Inay, habang sarap na sarap kaming magkakapatid sa niluto niyang hapunan.