Si Lolo

“Nasa ilog kami noon,” sagot niya, “naghahanap ng mahuhuling isda.”

“At pagkatapos, habang nalangoy kami, bigla na lang may lumitaw na buwaya.”

“Nagulat kaming lahat. Sumigaw siya. “Bumalik kayo sa pampang!””

“Dali-dali kaming lumangoy sa pampang.”

“Nung nasa pampang na kami, nakita namin siya at yung buwaya.”

“Nagbuno sila.”

“Nag-wrestling sila habang nasa ilog.”

“Nagsusumigaw siya habang nagpupumiglas.”

“Kaya ayun, nakagat ang kanyang dila.”

— Mapaglarong sagot ni Papa sa namamangha kong tanong kung bakit pipi si Lolo.

Advertisements

Habulan-Taya!

Maagang natapos ang klase kaya’t naglingunan kaming mga magkakalarong mga batang nasa Baitang Isa. Nagsitanguhan. Pagkalabas ng pinto ay dali-dali kaming nagkumpulan. Nag-usap. Magkakakampi ang mga batang lalaki at magkakakampi ang mga batang babae.

“Anong laro?” ganadong tanong ng isang kyut na batang babae.

“Habulan-taya!” sagot ng isa namang batang lalaki, “pero dapat may premyo kapag nanalo.”

“Ano naman?” tanong pa ng isa.

“Halik sa lips!

Sumang-ayon ang magkakalaro, pero si manong ay maaga ring dumating para ako ay sunduin.

A Uno

Huuuuuuuuhuuuuuuuuuu!

Ilang minuto na lang bago ang hatinggabi nguni’t umaalingawngaw pa rin ang iyak ng magkakapatid. Hindi na halos malaman ng kanilang ina kung paano sila patatahanin. Hindi na halos malaman ng kanilang ina kung paano sila patutulugin.

Waah…huuuu,” pahikbing sambit ng isa sa magkakapatid, habang ang kanyang mga kamay ay kumukunot sa kanyang mga mata, “ta…bihan niyo… kami ma… tulog! Huuuu!”

“Hindi pwede!” pagpupumilit naman ng nababalisa nang ina, “magtabi na lang kayong tatlo kung gusto niyo.”

Wala nang nagawa ang magkakapatid. Umiiyak, diniretso nila ang kwarto ng kuya at nagsiksikan sa kama nito. Sumunod ang kanilang ina, noo’y nagbubuntong-hininga, at huminto sa hamba ng pinto ng kwarto. Ang mga mata nito’y mariing nakatuon sa magkakapatid.

“Ito’ng kumot,” alok ng kuya sa mga kadikitang-siko, “para hindi tayo makakita ng kung ano.”

Huuuuuuuuuuuuhuuuuuuu!

“Mga anak,” marahang sambit ng ina sa gitna ng nagaganap na iyakan, “maglalagay na lang ako ng kandila sa mga pinto, ha.”

*Hikbi* 

Good night.” Tumalikod na ito’t sinara ang pinto.

*Hikbi* 

Dahan-dahang tumahan ang magkakapatid. Habang nakatalukbong ng kumot, inilapat na nila ng tuluyan ang kanilang mga likod sa kama ni kuya.

*Hikbi* 

Ilang sandali pa’y nangibabaw na nga ang amoy ng usok ng kandila sa buong kabahayan. Pinatay na ng ina ang mga ilaw sa kusina at salas at pagkatapos ay dumiretso na rin sa kanyang kwarto. Nakalipas pa ang ilang minuto, parang isang himalang nakatulog ang mag-iina ng mahimbing.

***

Kinabukasan, nalaman ng magkakapatid kung ano ang pinagkaiba ng mga pulang petsa sa kalendaryo na Nobyembre Uno at…

Mayo Uno.