Klasmeyt!

Malamig-lamig ang gabing iyon sa unang linggo ng Dos Mil Katorse. Bagama’t tapos na sa pagsisiya ang lahat, ay hindi pa naman natatapos ang mahabang bakasyon ng karamihan, kaya marami pa ring tao ang nagpaparoo’t parito sa kakalsadahan.

Napupuno pa rin ng mga nag-iinom ang mga bar sa tapat ng palengke, ng mga suking parokyano ang mga bahay-aliwan ng Doña Go Yee, ng mga naghahanap ng mapapanood sa SM. Sa hindi kalayuan sa 7-11, habang ako ay nag-aabang ng dyipni, ay may humirit ng:

“Klasmeyt!”

Nalingon ako kahit sa simpleng sitsit lang. Kahit hindi ako ang tinatawag. Pero pag lingon ko sa humirit ay nalaman kong ako nga ang kanyang tinawag.

“Orly?” alangang sagot ko sabay bigay ng konting ngiti.

“Oo, pre,” nakangiti niya ring sagot.

Bukod sa hindi gaanong pagbabago ng kanyang itsurang payat at bunguin, nangibabaw kay Orly ang krus na tatoo sa pagitan ng kanyang mga mata, ang ilan niyang mga blankong espasyo sa ngipin, at mohawk na gupit.

Ako itong may malaking pagkakaiba sa itsura ng pagkabata at pagtanda. Pero hindi pa rin ako makapaniwala kung paano niya akong nakilala, hindi man sa pangalan, pero sa pagmumukha.

Klasmeyt ko siya noon sa elementarya. Bukod sa kanyang pangalan at kaaalamang naging matalik kaming magkaibigan noon, wala na akong maalala pa sa kanya. Awkward. 

Nakaupo siya sa manibela ng traysikel. Nag-aabang malamang ng pasahero sa pwestong iyon. Naiisip kong sa kanya ang pinapasada niyang iyon.

Konting kamustahan. Konting kwentuhan. Para lang may puntahan ang usapan.

“Oh, sige pre,” sabad ko, habang tinumbok ang direksyon papuntang 7-11, “Happy New Year na lang!”

“Sige, Happy New Year din!” Sabay kaming nagpatuloy sa dapat naming gawin.

Sa mga dagling sandali, mararamdaman mong sadyang napakadaling lumipas ng panahon. Iyon na malamang ang huli naming pagkikita.

Advertisements

14 thoughts on “Klasmeyt!

  1. Isang simpleng pangyayari na isinulat ng payak ngunit tuwirang paglalahad ng maliliit na mga detalye kaya naman magaan lamang basahin. Karamihan sa mga tala mo dito ay sa ganoong paraan din hinimay ang mga istorya. Gayunpaman, ang lahat ng iyon ay nakakaaliw basahin dahil na rin siguro sa mga bagay at pangyayari na madaling makaka-ugnay ang mga mambabasa.

    Pahabol lang. Nakakabitin nga lang ‘yung iba. :P

    • Salamat sa konstruktibong pagpupuna Emel.

      Tama, at unang-una, sinadya kong gawing payak at maiiksi ang bawat akda rito para hindi kumain ng oras sa mga mambabasa nito sa internet. Pangalawa, sadya rin estilo ng pagkakasulat sa mga ito para madaling maka-ugnay ang marami sa mga magbabasa nito. Pangatlo, ang lahat ng akda ko rito ay salamin ng aking nakaraan – mga naaalala kong nangyari sa akin mula pa pagkabata.

      At para sa iyong pahabol, tulad ng nararamdaman ng iba sa iba ko pang mga akda rito, susubukan ko itong punan sa mga susunod ko pang isusulat. :D

      • Marahil nasa pamamaraan lamang iyon kung paano naisulat ang panapos. Para sa akin kasi, kasing hirap nang pagbuo ng panimula ang pag-sulat ng solidong pangwakas.

        Sa isang banda, sana’y patuloy ka pa sa pag-katha ng mga interesanteng istorya sa mga susunod pa na pagkakataon. Hindi malayong sa hinaraharap, baka isa na sa mga librong mabasa at maging paborito ko ay ikaw na mismo ang may akda.

        Best of luck to you, kuya/parekoy! :)

  2. Ako si Orly. Hndi ako tricycle driver pero hndi ako magaling maalala ng pangalan, pero makikilala kita sa mukha!

Tara usap dito!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s