Istokwa

“Oras na,” pabulong na simula ni Kuya.

“Sige,” kumpirma naman ni Dikong nakatingin sa orasang nakasabit sa haligi ng bahay.

“Mga damit, shorts, brief?”

“Meron na.”

“Panligo, pansipilyo, pagkain?”

“Dala lahat.”

“E, pera?”

“May singkwenta ako dito, Kuya.”

“Singkwenta rin sa akin,” muling pabulong na sagot ni Kuya, noo’y nakatuon ang paningin sa kanyang schoolbag na napupuno ng mga gamit panlayas.

Sabay at dahan-dahan nilang tinungo ang pinto ng kanilang kwarto, sabay na hinawakan ang bakal nitong busol, at sabay ring nagsibuntong-hininga. Binuksan ito ni Kuya ng ubod-tahimik, at pagkatapos ay nilingon ang kadiliman ng bahay. Nakilingon pagkatapos si Diko pero itim lang din ng gabi ang kanyang nasilip. Sa ‘di kalayuang kwarto’y umaawit ng marahang hilik si Inay. Sa kung saan naman sa labas ay may debate ng mga asong nagkakakahol.

Marahan. Ubod ng dahan ang bawat yapak ng magkapatid papunta sa pinakapinto ng bahay. Tahimik silang nakikinig at nangangambang baka biglang bumangon ang kanilang Inay, na sila ay mahuli nito, at na ang kanilang paglalayas ay maunsiyami na ng tuluyan. Pero hindi sila nagpasakop sa namumuo nilang kaba. Bagkus, sinimulang kapain ni Kuya ang mahabang pakong nagsisilbing kawit-kandado ng pinto mula sa loob ng bahay. Kasabay ng kanyang paghinga ay unti-unti niyang paghila at pag-alis ng kalawangin at malamig-lamig na pakong kawit. Sinunod niyang buksan ang busol, isang original na Yale. Ilang saglit pa’y nabuksan nang kaunti ni Kuya ang pinto at sa magkapatid ay tumambad ang mangilan-ngilang liwanag ng kadilimang iyon – mga poste de ilaw, bombilyang puti at dilaw, at panglaw ng mabining buwan.

Paloob ang bukas ng pinto kaya kinailangang umatras ng kaunti ng magkapatid para mabuksan ito nang sasakto sa kanilang laki. Salamat sa kalalangis na mga bisagra, hindi ito lunikha ng anumang ingay. Sinimulan na ng magkapatid ang marahan pa ring paglakad palabas. Unang humakbang ang kanang paa ni Kuya. Dagli-dagli ay niyakap agad ng mga ilaw ng gabi ang kanyang paa, kasama ng mga nag-uubeng pasa at sugat nito. Sunod na sumilip ang dalawang mga braso ng nakatatandang kapatid. Tulad ng sa mga paa, nakipagbatian sa gabi ang mga latay sa bawat braso ni Kuya.

Nakasunod lang sa likod ni Kuya si Diko, tahimik na sinasabayan ang mabagal na yapak ng kanyang nakatatandang kapatid. Ang mga buli-bulitas na pasa sa magkabilang tuhod ni Diko ay hindi pahuhuli sa bilang ng mga latay ng kanyang Kuya. Nakuha niya ito sa halos maghapon niyang pagluhod sa munggo noong araw na iyon.

Nasilayan na nila ang kalsada, at sa di kalayuan pa’y ang bakante nilang loteng napupuno ng kamatis at okrang tinanim ng kanilang Itay, pero naiwan at halos napabayaan na rin ng ilang linggo. Nasa ibang bansa na kasi si Itay noong mga panahong iyon. Isa siyang bagitong OFW.

Patuloy ang pagtingkayad ng magkapatid. Ilang minuto pa, at ilang hakbang na lang palayo, ay ganap na silang malaya mula sa malulutong na hagupit ni Inay. Nagkatinginan ang magkapatid at nagkangitian ng saglit. Nang…

“Ang banig?” tanong bigla ni Kuya.

“Ikaw may dala nun, diba?” sagot ng kapatid.

“Ha!? Tignan mo nga ulit diyan. Wala sa akin.”

“Hindi tayo makakatulog kung walang panaping banig, Kuya!”

Patuloy lang sa pagtatalo ang magkapatid. Nahihirapan si Kuya kung paanong makukuha ang banig na naiwan nila sa kwarto, unang-una’y dahil takot sa dilim at sa pag-iisa si Diko. Hindi niya pwedeng pabalikin sa bahay ang kapatid dahil madilim doon, at ‘di naman niya pwedeng iwan ito sa labas. Kung sabay naman silang babalik pa sa loob ng bahay, liliit lalo ang tsansang makapaglayas sila. Lalaki muli ang tsansang mahuli sila ni Inay at muli silang lamugin ng hampas ng walis tingting o tambo.

***

Kinaumagahan, sabay ang magkapatid na nagising sa pagsisisigaw ni Inay habang sila ay hinehele ng kanilang sari-sariling mga kama.

Advertisements

3 thoughts on “Istokwa

Tara usap dito!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s